-- Advertisements --

Patuloy pang bine-verify ng Palasyo ang alegasyon ni Senador Panfilo Lacson na sinadya umanong magbigay ng maling datos ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manny Bonoan kaugnay ng mga flood control project.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, hindi pa makapagbibigay ng detalye ang Palasyo hangga’t hindi natatapos ang beripikasyon sa mga pahayag ng senador.

Dagdag ni Castro, walang partikular na kasunduan sa pagitan ng Pangulo at mga nagbitiw na opisyal ng gabinete, ngunit malinaw ang direktiba ng Pangulo na imbestigahan ang lahat ng sangkot. 

Aniya, kung may ebidensiya, kailangan silang managot anuman ang kanilang posisyon.

Binigyang-diin din ni Castro na kahit nasa ibang bansa ang mga dating opisyal, patuloy pa rin silang hahabulin ng batas. Kapag may sapat na ebidensiya, maaari pa rin silang kasuhan at papanagutin sa ilalim ng batas ng Pilipinas.