-- Advertisements --

Todo ngayon ang panawagan ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Jose “Joey” Concepcion III sa pamahalaan na iturok na ang 27 million doses ng COVID-19 vaccines na binili ng bansa.

Ang naturang mga bakuna kasi ay magpapaso na sa buwan ng Hulyo.

Bahagi raw ito ng natanggap na ng bansa na 237 million vaccine doses.

Pero sa ngayon nasa 140.7 million pa lamang ang naituturok at 27 million naman ang mag-e-expire.

Sinabi ni Concepcion na sana ay huwag sayangin ang bakuna dahil pera ng pera raw ng taumbayan ang ginamit sa pambili ng mga bakuna sa pamamagitan ng kanilang mga buwis.

Una rito, paulit-ulit na ring ipinanukala ni Concepcion na baguhin na ang kahulugan ng “fully vaccinated” at ito ay sa pamamagitan ng booster dose.

Ipinanukala rin nito ang booster cards requirement sa pagpasok sa mga enclosed establishments simula sa Hunyo.

Base sa pinakahuling data ng Department of Health (DoH), mayroon na umanong 142.236 million doses ang naiturok noong March 30.

Nasa 64.332 million ang nagamit sa first doses, 65.885 sa ikalawang dose at 12.018 million para sa booster doses.

Noong Enero, sinabi ng Department of Finance (DOF) na mayroon na raw na-secure ang bansa na $800 million o P40 billion na halaha ng loan financing mula sa multilateral lenders para pambili ng booster shots.