Mariing kinundina sa Kamara ang panibagong pambu-bully ng Chinese vessel sa mga barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ito’y matapos mabangga ng Chinese vessel ang barko ng Philippine Coast Guard at ang AFP chartered boat na magdadala ng supply sa mga tropa na nasa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ayon kay House Deputy Minority Leader France Castro, sumusobra na ang pagiging agresibo ng China sa West Philippine Sea at mukhang lalala pa ito sa mga susunod na araw, kung walang decisive action na gagawin ang gobyerno sa panibagong insidente.
Sinabi ni Castro pwedeng gawin ng gobyerno ang pagsasampa ng kaso sa United Nations General Assembly at pagtutok ng mga resolusyon laban dito.
Giit pa ng Makabayan bloc solon, dapat bilisan na ang pagdevelop sa Pag-Asa Island at pagtatayo din ng mga permanent structures sa West Philippine Sea para sa “24/7 territorial security patrol” ng sa gayon magagamit na ring pahingahan ng mga mangingisdang Filipino.
Dahil sa pinakabagong insidente sa West Philippine Sea, inihayag ni Castro na patunay na tama ang desisyon ng Kamara na ire-alligne ang pondo ng limang government agencies at ibigay sa mga ahensiya na nangangasiwa sa seguridad ng bansa.