Nananawagan ang Makabayan Bloc kay Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na i-veto ang panukalang pagpapaliban sa Dec. 5, 2022 Barangay at SK Elections.
Ito ay kung sakaling pagtibayin ng Kamara at Senado ang panukala at i-akyat sa Palasyo para sa pirma ng presidente.
Ayon kay ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na sana ay i-veto ni Pang. Marcos ang panukala lalo’t mismong ang Commission on Elections (Comelec) ang naghayag na handang-handa naman sila para sa pagsasagawa ng halalang pambarangay at SK.
Nabanggit din aniya ng poll body na dagdag-gastos o mangangailangan pa ng P5 billion kung ililipat ang petsa ng eleksyon.
Giit ni Castro, hayaan na ang mga mamamayan na makapili na ng mga lokal na opisyal na gusto nilang mamuno sa mga barangay at SK.
Dagdag niya, ginagamit ng ilang authors ng panukala na dahilan ang COVID-19 pandemic, pero nakita naman aniya na naging maayos ang idinaos na ang halalan nitong Mayo 2022 basta’t matiyak lamang ang health protocols.
Sa panig naman ni Kabataan PL Rep. Raoul Manuel, kanyang sinabi na batay sa nakuha nilang datos ay nasa 34,000 ang bakanteng posisyon sa SK dahil sa pandemya at iba’t ibang rason.
Binigyang-diin niya na ang Dec. 2022 Barangay at SK Polls ay magandang pagkakataon para mapunan ang mga bakanteng posisyon, at makahanap din ang mga kabataan ng mga papalit sa mga opisyal na “inefficient” o palpak ang pamamahala.
Matatandaan na lusot na sa House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang panukalang pagpapaliban ng halalang pambarangay at SK ngayong taon, at sa halip ay isinusulong na gawin sa unang Lunes ng Dec. 2023.