Dinepensa ng Makabayan bloc lawmakers ang kanilang No vote sa 2023 General Appropriations Bill (GAB) ang P5.268-trillion na pambansang pondo na inaprubahan na ng Kamara kagabi.
Ayon kay Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas na tutol ito sa pagpasa ng unang pambansang budget ng Marcos Jr. administration na sa tingin nila na siksik ng pondo para sa pambayad utang, panunupil at pagpapahina ng pagpreserba sa kasaysayan habang ginipit ang mga programang may direktang pakinabang sa kababaihan at mamayan.
Sinabi ni Brosas, mapalinlang ang 2023 national budget dahil bagamat P5.268 Trillion ang sinasabing expenditure program pero sa totoo nasa P5.86 Trillion ang kabuuang pondong pwedeng gastusin ng Pangulong Marcos sa susunod na taon dahil may P588.16 Billion na unprogrammed appropriations na maituturing na Marcosian pork.
Ito ang pinakamalaking unprogrammed budget sa kasaysayan ng Pilipinas na nasa kontrol ng ehekutibo.
Sa panig naman ni ACT Teachers Party List Representative France Castro na halos walang makatotohanang pag-aaral at pagbusisi dahil ang mga miyembro ng minority ay binigyan lamang ng trenta minuto sa apat na linggo na deliberasyon, dahil sa pinapa-iral na courtesy at tradition para palampasin ang budgets ng ilang ahensiya.
Binatikos naman ni Castro ang Kamara na tila manhid sa pagpasa ng taunang budget para sa pangangailangan ng taumbayan.
Ayon naman kay Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel na mahigpit ang kanilang pagtutol sa proposed 2023 national budget dahil patuloy na nararanasan ng mamamayan ang walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga bilihin dahil sa pagdausdos ng halaga ng piso kasabay ng mababang sahod at kawalan ng trabaho at hanapbuhay.