-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Hinamon ng Makabayan Bloc si Pangulong Rodrigo Duterte na bumaba na lang sa pwesto kung hindi kayang harapin ang problema sa West Philippine Sea partikular na ang pang-aagaw ng China sa teritoryo ng bansa.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay assistant minority leader at ACT Teachers Rep. France Castro, sinabi nito na dapat magpakalalaki na si Duterte at harapin ang lalong lumalalang tensyon sa WPS dahil sa mga aktibidad ng China sa loob ng exclusive economic zone ng bansa.

Tahasang sinabi ng mambabatas maituturing bilang treason ang ginagawa ng Pangulo na tila pagpayag sa aktibidad ng China kapalit ang mga donasyong bakuna at mga pautang.

Sa panig naman ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, hinikayat nito ang pangulo na manindigan at humingi na ng tulong sa United Nations upang maitaboy ang mga barko ng higanteng bansa na nasa EEZ na ng Pilipinas.

Nakahanda naman umano ang international community na tulungan tayo subalit ang pangulo lang ang umaastang talunan sa kabila ng ruling ng Permanent Court of Arbitration na pumapabor sa claims ng bansa sa mga pinag-aagawang teritoryo.