Hinamon ng House Makabayan Bloc si Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang opisyal ng pamahalaan na kasuhan sila sa korte kung mayroong hawak na ebidensya ang mga ito na makakapagsabi na sila ay totoong konektado sa mga rebeldeng komunista.
Ito ay kasunod ng televised address ni Pangulong Duterte kagabi, Disyembre 7, 2020, kung saan muli nitong iniuugnay sa rebeldeng komunista ang mga kongresistang bumubuo sa Makabayan Bloc, partikular na si Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate.
Darating din aniya ang panahon bago matapos ang kanyang termino kung saan papangalanan niya ang lahat ng mga sangkot sa National Democratic Front of the Philippines, ang negotiating arm ng Communist Part of the Philippines.
Mariing kinondena naman ito ng Makabayan Bloc sa pagsasabi na ang pahayag ng Pangulo ay “flawed” at “dangerous” at naglalayon lamang na bigyan dahilan ang pinaigting na pag-atake sa mga kritiko ng kasalukuyang administrasyon
Ang mga kagaya anila ni Pangulong Duterte ay pawang wala namang hawak na “credible” na ebidensya laban sa kanila, dahil kung mayroon man ay matagal na sana anila sila kinasuhan ng mga ito.
Nanindigan ang grupo na ang pinaigting na pag-atake laban sa kanila at kay Zarate, lalo na, ay nagpapakita lamang din ng pagnanais talaga ng Duterte administration na siraan sila.
Sa kabila nito, hindi naman anila uurong ang Makabayan Bloc.