Hinamon ni PBA party-list Rep. Jericho Nograles ang Makabayan bloc sa Kamara na maghain ng panukalang aamiyenda sa Salary Standardization Act.
Ito ang mainam na gawin ng grupo ayon kay Nograles matapos imungkahi ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na dapat minimum wage lamang ang pasahod sa mga public officials, kabilang na ang mga senador at kongresista.
Sinabi ni Nograles na para gawing minimum wage ang pasahod sa mga public officials, kabilang na silang mga mambabatas, dapat na maamiyendahan ang Salary Standardization Act sa pamamagitan ng isang panukala.
“They can propose. On the minimum wage for legislators, then I would ask Bayan Muna na go ahead and propose that you change the Salary Standardization Act,” ani Nograles.
Samantala, sinabi naman ni Brosas na “maaring pag-aralan” ang panukala para sa kanyang mungkahi.
Kaya naman daw kasi niya ito inirekominda kasi naniniwala siya na para maging mas-aware ang mga public officials sa dinaranas ng publiko sa pang-araw-araw ay mainam na gawing minimum din ang pasahod ang kanilang sahod.
“Bilang ehemplo ng public service, dapat manguna [tayo] sa aksyon at solusyon batay sa tunay na kalagayan,” ani Brosas.
“Paano malalaman kung ano ang solusyon kung hindi ito mararanasan?” dagdag pa nito.