-- Advertisements --

Naniniwala si House Committee on Public Order and Safety at Manila 2nd District Rep. Rolan Valeriano na mas nakararami pa ring mambabatas ang sumusuporta kay House Speaker Faustino Dy.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Valeriano, natanong siya ukol sa inilabas na sentimiyento kamakailan ng National Unity Party (NUP) na kaniyang kinabibilangan.

Inirereklamo kasi ng naturang partido ang umano’y mabagal na paglabas ng pondo para sa kanilang mga miyembro, kasama ang umano’y hindi maayos na budget distribution sa mga miyembro ng Kamara. Dahil dito, sinabi ng partido na pinag-iisipan nilang umalis na sa majority.

Ayon kay Rep. Valeriano, normal na nangyayari sa Kongreso ang pagpuna ukol sa pondong inilalaan sa kani-kanilang distrito, lalo na at bawat mambabatas ay pinoprotektahan ang kanilang local projects.

Gayunpaman, hindi nangangahulugan aniya na wala nang suporta sa kasalukuyang lider ng Kamara.

Karamihan sa mga kasalukuyang mambabatas ay nakasuporta pa rin aniya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at kaakibat nito ay ang pagsuporta ng House members kay Speaker Dy na kilalang kaalyado ni Pangulong Marcos.

Nilinaw naman ni Rep. Valeriano na hindi sinusunod ng NUP ang unity o block voting para sa ihahalal na lider ng Kamara, maging sa isyu ng impeachment, kung kailangan na ng mababang kapulungan na magdesisyon dito.

Ayon pa rin sa mambabatas, bukas ang liderato sa sariling pagdedesisyon ng bawat miyembro nito. Nakadepende pa rin aniya sa iprepresentang ebidensiya laban sa pangalawang pangulo, ang kanilang magiging boto, kinalaunan.