-- Advertisements --

Higit pa kay Health Sec. Francisco Duque III ang pasan na problema ngayon ng Pilipinas dahil sa COVID-19.

Ito ang pahayag ni Vice President Leni Robredo sa gitna ng mga panawagang magbitiw sa pwesto ang kalihim, bunsod ng iba’t-ibang kontrobersya na ibinabato sa kanya.

“Iyong problema natin is so much bigger than Secretary Duque. Para sa akin, iyong problema talaga iyong national government, na parang walang sistema,” ani VP Leni sa panayam ng programang Quarantined with Howie Severino noong Martes.

Batid naman daw ng pangalawang pangulo ang pagsisikap ng bawat ahensya ng pamahalaan, pati na mga local government units para matugunan ang sitwasyon.

Nakukulangan lang umano ang bise presidente sa kongkretong plano mula sa mismong adminsitrasyon.

“Pero parang walang cohesive na… parang walang cohesive na plano. Iyong term ko nga rito sa public address ko, Howie, ‘walang tumitimon.’ Parang walang konduktor. Kapag tiningnan mo iyong mga ginagawa ng mga agencies, parang working in silos pa rin.

Ipinunto ni VP Leni ang biglang sumulpot na proyekto ng white sand sa Manila Bay, na aniya’y hindi angkop na isabay sa krisis.

“Alam mo iyon, parang in the midst of the pandemic, may isa sanang nasa taas na nagsasabi na, ‘Lahat ng gagawin ng lahat na agencies, ako iyong’—whether it’s a team or what—’ako iyong kumander, all hands on deck tayo, ang aasikasuhin natin lahat na COVID-19 na related na programs.”

“Para sa akin, iyong failure iyong sistema, hindi lang naman si Secretary Duque. So para sa akin, whether tanggalin mo si Secretary Duque, kung ganito pa din iyong sistema, the problems will persist.”

Naniniwala si Robredo na kayang lumakad ng epektibo ng administrasyon kung kahit may isang opisyal na mamumuno sa kabuuhan ng ginagawang COVID-19 response, kung hindi man ito kayang gawin ng presidente.

“Kung hindi siya, at least mag-assign siya ng somebody na in his stead, na puwedeng one of the Cabinet secretaries, pero with the same authority.”

“Kasi parang napaka-frustrating tingnan. Napaka-frustrating tingnan na, iyon nga, hindi mo alam kung ano iyong direksyon—iyong sasabihin ng isa, sasalungatin ng isa. Iyong direksyon ng ahensya hindi sabay-sabay”