-- Advertisements --

Umabot na sa 88% ang nailabas na pondo para sa Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP) hanggang sa pagtatapos ng buwan ng Mayo.

Ayon sa Philippine Coconut Authority (PCA), ito ay katumbas ng P6.6 billion mula sa kabuuang P7.5 billion na pondo sa ilalim ng naturang development plan.

Dahil dito, asahan umano na magkakaroon ng mas malawak na pagbabago sa implementasyon ng naturang plano para ngayong taon, sa tulong ng mga ahensiya ng pamahalaan na kalahok o naatasang manguna sa implementasyon ng CFIDP.

Ayon kay Kreisha Marielle Roque, acting manager ng PCA Program Management Office, ilang mga ahensiya na rin ang nakapagreport ng magandang implementasyon sa naturang plano.

Maliban dito, inaprubahan na rin aniya ng pamahalaan na paramihin pa ang bilang ng mga benepisyaryo sa buong bansa upang matiyak na bawat coconut farmer ay makikinabang.

Samantala, inatasan na rin ng Philippine Council for Agriculture and Fisheries (PCAF) ang PCA na mag-isyu ng identification sa lahat ng mga registered coconut farmer sa bansa upang mas mabilis ang paglalaan ng mga tulong saknila.

Kabilang na rito ang insurance benefits para sa mga magsasaka kung saan ngayong taon ay target na mapaglaanan ng insurance ang hanggang sa 400,000 na coco farmers.