Sumampa na sa P325,279,850 ang halaga ng pinsalang iniwan sa sektor ng agrikultura dahil sa pag-ulan at pagbaha na naranasan dulot ng shear line noong araw ng Pasko sa mga lugar sa dakong Visayas at Mindanao.
Base sa latest report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang rehiyon na nakapagtala ng malawak na pinsala ay sa Northern Mindanao na nasa P172.45 million sinundan ng Mimaropa na nasa P83.65 million at Bicol region na mayroong P56.06 million ang naitalang pinsala sa agrikultura.
Sa sektor naman ng imprastruktura, umaabot sa P268.56 million ang halaga ng nasira kung saan mahigit 5,000 kabahayan ang napaulat na napinsala, 910 dito ay totally damage.
Nasa kabuuang 23 siyudad at mga bayan ang inilagay naman sa state of calamity kabilang ang Brooke’s point sa Palawan, Llorente sa Eastern Samar, Dapitan at Polanco sa Zamboanga del Norte, Gingoog at Talisayan sa Misamis Oriental, at ang buong probinsiya ng Misamis Occidental.
Nananatili sa 52 ang napaulat na nasawi kung saan 13 dito ang validated pa lamang at mayroong 18 katao pa ang nawawala.
Ayon sa NDRRMC, apektado pa rin ang nasa mahigit 600,000 katao o nasa mahigit 170,000 pamilya mula sa mga sinalantang lugar.










