Aabot sa mahigit Php24-million na halaga ng iba’t-ibang mga kontrabando ang nasabat ng mga tauhan ng Philippine Navy sa katubigang sakop ng probinsya ng Sulu.
Ito ay matapos na matagumpay na maharang ng mga tauhan ng Naval Forces Western Mindanao ng Naval Task Force 61 at Bureau of Customs sa kasagsagan ng kanilang isinasagawang joint maritime operation sa lugar ang tatlong motorbanca na ilegal na nagta-transport ng mga ipinagbabawal na produkto .
Nang maharang ang naturang isa sa mga motorbanca ay tumambad sa mga otoridad ang nasa 700 kahon ng hindi dokumentadong tobacco products na tinatayang may katumbas na halaga na Php14,000,000.
Bukod dito ay nadiskubre rin sa isa pang motorbanca na tinukoy bilang M/B JFM na may lulan itong mga ilegal na armas na kinabibilangan ng M653 rifle, isang Cal. 45 pistol, at mga bala.
Sa ulat, hindi natuloy sa pagtungo sa Palawan ang naturang motorbanca matapos na makaranas ng engine trouble dahilan kung bakit napilitan itong bumalik sa munisipalidad ng Panguratan Sulu na pinagmulan nito kung saan naman ito naharang ng mga otoridad.
Bukod dito ay naharang din ng mga kinauukulan ang isa pang bangka na M/L Somewhere-5 na nagmula umano sa Panguratan Island, Sulu na kalauna’y napag-alaman ng mga otoridad na may kargang hindi dokumentadong produktong petrolyo at 164 sako ng Ammonium Nitrate.
Maliban pa dito ay naharang din ng mga otoridad ang M/L Fatima Daniya sa bahagi ng northwest Basbas Island, Sulu na nagtangka ring magtransport ng tinatayang aabot sa 100,000 liters ng undocumented petroleum products na tinataya namang may katumbas na halaga na Php6,500,000 at nagmula sa munisipalidad ng Mapun, Tawi-Tawi at patungol sana sa probinsya ng Sulu.
Samantala, kasunod nito ay naglagay ng prize crew ang NTF61 Units sa bawat sasakyang pandagat na kanilang naharang para matiyak ang maayos itong maitu-turnover sa Bureau of Customs.
Kaugnay nito ay binati naman ni Naval Forces Western Mindanao commander, Rear Admiral Donn Anthony Miraflor ang mga tauhan nito dahil sa tagumpay na mga ito sa pagharang sa mga naturang mga ilegal na kontrabando na bahagi ng pagpapanatili sa rule of law at mahigpit na pagbabantay sa maritime boundaries ng Pilipinas.