NAGA CITY- Nakumpiska ng mga awtoridad ang nasa P2-M na halaga ng iligal na droga mula sa dalawang drug personality sa isinagawang buybust operation sa Sitio Malalim Barangay San Jose, Gen. Luna, Quezon.
Kinilala ang mga suspek na sila Melody Revilloza alyas Mami, 41-anyos, at Marie Baldoviso, 45-anyos, parehong residente ng Sitio Malalim. Barangay San Jose, Gen. Luna, Quezon.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office napag-alaman na naisagawa ang nasabing operasyon matapos na makabili ng isang plastic sachet nang hinihinalang shabu ang nagpanggap na posuer buyer kay alyas Mami sa halagang P14-K.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, maliban sa buybust item nakuha pa kay Baldoviso ang isang sling bag na naglalaman nang nasa 19 pidaso ng heat sealed transparent plastic sachet ng pinaghihinalaang shabu.
Sa kabuuan, tinatayang mayroong bigat na 100 grams at nagkakahalaga ng P2,040,000 ang mga nakumpiska na iligal na droga.
Napag-alaman naman na isang high value individual si alyas Mami habang newly identified naman si Baldoviso.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang mga suspek para sa karampatang kaparusahan.