-- Advertisements --
image 480

Umabot na sa P2.66Billion ang na-validate ng Department of Public Works and Highways na pinsala ng Supertyphoon Egay sa imprastraktura sa buong bansa.

Ito ay kinabibilangan ng P887.1Million na naitalang pinsala sa maraming mga kalsada, P48.20 Million sa mga tulay, habang P1.73billion sa mga flood control structures sa malaking bahagi ng bansa.

Sa paunang assesment ng naturang kagawaran, umabot sa 25 mga kalsada ang kinailangang isara dahil sa malawak na pinsala. 21 sa mga ito ay maaaring matagalan pa ang pagbubukas dahil sa natabunan ng maraming lupa, bato, at mga punongkahoy habang ang iba at tuluyang bumagsak at nawasak.

Marami sa mga ito ay mula sa mga probinsya ng Abra, Mt. Province, at mga Probinsya sa Ilocos Region at Cagayan Valley region.

Maraming mga kalsada rin ang nasira at nawasak sa MIMAROPA, Bicol Region, BARMM, at SOCCSARGEN Region.

Inaasahan namang lalo pang tataas ang naturang halaga, habang patuloy pa rin sa pangangalap ng datus ang mga field officers ng DPWH.

Maliban sa mga nasirang imprastratura, naitala rin ang mahigit sa 2,000 mga kabahayan na nasira sa ibat ibang mga rehiyon, katulad ng Ilocos Region,Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol, at iba pang rehiyon sa Western Visayas.