Inihayag ng Department of Budget and Management (DBM) na naglaan ang gobyerno ng mahigit P151 bilyon para sa pagpapatuloy ng mga major social protection service program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa isang pahayag, sinabi ng departamento na ang halaga ay nasa ilalim ng Republic Act 11936, na kilala bilang Fiscal Year 2023 General Appropriations Act (FY 2023 GAA).
Kabilang sa mga major social protection services ng DSWD ay ang Sustainable Livelihood Program (SLP), Supplementary Feeding Program (SFP), Protective Services for Individuals and Families in Difficult Circumstances (PSIFDC) at Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ang P151-bilyong alokasyon ay pinaghiwa-hiwalay para sa apat na social protection initiatives ng Social Welfare department.
Sa partikular, ang Sustainable Livelihood Program na nagbibigay ng suporta sa kabuhayan ay tatanggap ng P6.46 bilyon sa ilalim ng 2023 budget.
Samantala, nasa P5.2 bilyon ang inilaan sa Supplementary Feeding Program o SFP, na ang mga programa ay kinabibilangan ng regular na pagpapakain at pamamahagi ng gatas.
May P36.82 bilyon ang mapupunta sa Protective Services for Individuals and Families in Difficult Circumstances, isang programa na nangangalaga sa kalagayan ng mga Pilipino sa mahihirap na kalagayan, kabilang ang mga sitwasyon ng krisis.
Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), ang direktang tulong na salapi ng gobyerno sa mahihirap na kabahayan, ay magkakaroon ng pinakamalaking bahagi ng pondo na P102.61 bilyon.
Una ng sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na ang gobyerno ay nakatuon sa mga pagsisikap sa pagtugon sa mga agarang hamon na kinakaharap ng mga Pilipino, lalo na ang mga pinaka-mahina na sektor ng bansa.










