
Nasa mahigpit P1.2 billion halaga ng dangerous drugs ang sinira ng PDEA kasama ang PNP kaninang umaga sa Integrated Waste Management, Inc. (IWMI) sa Barangay Aguado, Trece Martires City, Cavite.
Ang mga iligal na droga ay nasabat sa iba’t ibang operasyon ng PNP at PDEA.
Sa pamamagitan ng thermal decomposition sinira ang mga tinaguriang dangerous drugs na kinabibilangan ng shabu, toluene, marijuana, cocaine, MDMA or ecstasy, pseudoephedrine, ephedrine, opium, diazepam, nitrazepam, alprazolam, methylephedrine, ketamine, methylphenidate at mga expired na gamot medicines gaya ng liquid shabu at GBL (Gamma-Butyrolactone).
Ayon kay PDEA Director General Wilkins Villanueva, lubos silang nagpapasalamat sa effort ng iba’t ibang branches ng Regional Trial Courts (RTCs) sa pag-expedite sa mga drug cases at ang agarang pagwasak sa mga nakumpiskang iligal na droga.
Ito na ang ikaapat na pagkakataon na sinira ng PDEA ang mga nakumpiskang illegal drugs sa kanilang mga operasyon.

Dumalo din si PNP chief Gen. Guillermo Eleazar sa mass destruction ng illegal drugs sa Cavite.
Ayon kay Eleazar patuloy silang nakikipag-ugnayan sa mga local courts para sa expeditious prosecution and disposition of drug cases.
Sinabi ni Eleazar na nasa 1.6 tonelada pa ng shabu ang nasa kustodiya ng PNP sa buong bansa.
Aniya ang Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) ang siyang nagmo-monitor at nagsasagawa ng kaukulang intervention para mapadali ang pagsira ng mga nakumpiskang iligal na droga.
Sinabi naman ni Villanueva na ang mga sinirang droga kanina ay 2020 pa na operasyon ng mga otoridad.
















