-- Advertisements --

Nagpaalala si House ways and means committee chairman at Albay Rep. Joey Salceda na maraming pamilya ang mauuwi sa matinding gutom kapag ipatupad ang muling pagtataas ng Alert Level System para sa COVID-19 sa Metro Manila.

Ang mambabatas ay mahigpit na tumututol sa pagsasailalim sa National Capital Region (NCR) sa mahigpit na lockdown kahit pa mayroong pagtaas sa mga kaso ng COVID-19.

Maliban dito ibinabala ng kongresista ang posibilidad ng “nutrition crisis” dahil sa mataas na presyo ng pagkain sa mga ganitong sitwasyon.

Kapag nagpatupad muli ng bagong restrictions ay tiyak na malilimitahan na naman ang galaw ng mga tao na makakaapekto sa kabuhayan ng marami.

Kapag hindi makalabas at hindi makapagtrabaho ang mga mamamayan, tiyak na kukulangin sa pagkain kung saan tinatayang 640,000 households sa NCR ang makakaranas ng matinding kagutuman.

Paliwanag ng kongresista, sa puntong ito ay “non-sense” nang maituturing ang pagtataas ng Alert Level System na nakadepende sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Giit nito, ang mga kaso ng COVID-19 ay mananatiling nariyan kaya kailangang matapatan ito ng kakayahang mamuhay sa gitna ng pagdami ng nasabing sakit at su-variants nito.