Mahigit 900 estudyante at 16 staff ang agad na nailikas mula sa isang paaralan sa Bidur, Nepal, bago tuluyang dumating ang rumaragasang baha.
Noong Agosto 26, nasa Tribhuvan Trishuli Secondary School si Headmaster Rajendra Dawadi nang makatanggap ng babala ang accountant ng paaralan tungkol sa paparating na baha. Nakakuha umano ito ng impormasyon mula sa isang kamag-anak sa Rasuwa, na naunang tinamaan ng pagbaha.
Agad namang pinahinto ni Dawadi ang klase at pinasimulan ang evacuation. Inutusan din niya ang mga bus na papunta pa lamang sa paaralan na huwag nang tumuloy.
Sinundo ng ilang magulang ang kanilang mga anak, habang ang iba ay isinakay sa mga bus o tumakbo patungo sa mas mataas na lugar.
Tinatayang 14 minuto lamang ang lumipas bago umabot sa lugar ang rumaragasang tubig at putik. Nang makatawid ang huling bus sa bagong tulay, gumuho naman ang lumang tulay.
Matatandaan na ang insidente ay bahagi ng malawakang pagbaha sa Nepal na ikinasawi ng mahigit 900 katao, habang libo-libo pa ang nawawala.
Para kay Dawadi, personal ang pagkawala ng paaralan dahil dito rin siya dating nag-aral bago naging guro at kalaunan ay headmaster.
Umaasa siyang muling maitatayo ang paaralan sa mas ligtas na lugar upang makabalik sa pag-aaral ang mga estudyante.














