-- Advertisements --

Inanunsiyo ng Department of Migrant Workers (DMW) na nasa mahigit 80 mga Japanese employers ang nangangailangan ng mga skilled workers na mga Pinoy.

Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan Ople nais ng mga Japanese ang mga highly reliable at trainable na mga manggagawang Pilipino.

Inilabas ni Ople ang pahayag matapos magkaroon ng consultation meeting sa mga Japanese employer na inorganisa ng Migrant Workers Office sa Osaka.

Siya ay bahagi ng delegasyon ng Pilipinas sa Japan para sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Isang Japan desk ang gagawin sa Office of the Secretary para mabilis na masubaybayan ang mga pangangailangan ng mga Japanese employer at Filipino trainees.

Nagbigay ng katiyakan kay Ople ang mga manggagawang Pilipino na sila ay tinatrato nang maayos at mas gusto nilang ipagpatuloy ang pagtatrabaho sa Japan kung papayagan ng gobyerno ng Japan at ng kanilang mga amo.

Napag-alaman na pagkatapos ng pulong, naganap ang isang dayalogo sa mga manggagawang nagtatrabaho sa Japan, sa ilalim ng mga programang Technical Internship Training Program (TITP) at Special Skilled Worker (SSW).

Inihayag ng departamento na ang sahod sa Japan ay nasa 130,000 Yen o P54,548 para sa entry level sa Technical Internship Training Program (TITP) trainees habang aabot naman sa 900,000 Yen (P377,640) para sa specialized positions sa mga highly skilled professionals.