Inihahanda na ni PNP drug enforcement group Chief PBGen. Faro Olaguera ang pag-recall sa mga tauhan ng special operations unit ng kanilang hanay mula sa 17 police regional offices ng philippine national police.
Ito ay sa gitna ng isinasagawang talakayan ng liderato ng pambansang pulisya hinggil sa desisyon kung bubuwagin ba o hindi ang special operations unit ng PDEG.
Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo, nakatakdang ipa-recall ang nasa mahigit 700 mga tauhan ng nasabing hanay upang isailalim sa values formation at moral recovery program.
Ito ay matapos na masangkot ang ilan sa mga miyembro nito sa maanomalyang operasyon ng 990 kilos biggest drug haul sa tondo, maynila noong nakaraang taon.
Kasunod na rin ito ng ipinag-utos ni pnp chief PGen Benjamin Acorda Jr. na disarmahan ang nasa 40 tauhan ng pdeg at isailalim ang mga ito sa imbestigasyon nang dahil sa umano’y pagkakasangkot sa drug protection racket, pagnanakaw, at pagre-recycle ng mga ilegal na droga.
Sinabi ni Fajardo na sa ngayon ay isinasaayos na ni pdeg chief Olaguera ang trasportasyon ng naturang mga pulis patungo sa national headquarters ng pnp at gayundin ang kanilang pansamantalang tutuluyan habang sumasailalim sa naturang re-training.
Kung maaalala, una nang sinabi ni PNP Chief PGen Benjamin Acorda Jr. Na kabilang ang pagbubuwag sa mga special operations unit ng pdeg at I-batay ito sa case operational plan ang mga ikakasang anti-illegal drugs operations ng mga regional at provincial police offices ng pnp sa ilalim ng direktang pangangasiwa ng national headquarters.
Kasabay nito ay ang mas lalo pang pagpapaigting sa background investigation ng mga field commanders sa kanilang mga tauhan na layuning tuluyang alisin at hindi na maibalik pa sa alinmang pnp-anti illegal drugs unit ang mga pulis na mayroong derogatory records.