-- Advertisements --

Inihayag ng Department of Health (OH) na 12.8% o nasa 726 na mga COVID-19 patients sa mga pagamutan sa bansa ay kasalukuyang nasa severe at kritikal na kondisyon.

Mas mataas ito kumpara sa mga naitalang 664 severe and critical cases noong nakaraang linggo na may katumbas na 11.5% ng mga pasyenteng naka-admit sa mga ospital noong panahon na iyon.

Sa ngayon ay nasa 479 o 16.9% ng 2,841 na mga intensive care unit (ICU) beds para sa mga pasyenteng tinamaan ng nasabing sakit ang okupado.

Habang pumalo na sa 3,684,500 ang mga naitalang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa at nasa 60,182 na mga indibidwal naman ang mga nasawi nang dahil sa nasabing sakit mula nang makapasok ito sa Pilipinas.

Samantala, ipinahayag naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na sa ngayon ay hindi pa naman nila nakikitaan ng pagkapuno ang mga pagamutan sa bansa bagama’t nakitaan nila ng bahagyang pagsipa ng mga kaso ng COVID-19 ang nasa 13 mga lugar dahilan para isailalim nila ito sa isang mahigpit na monitoring.