Naniniwala ngayon si Department of Agrarian Reform (DAR) Sec. Conrado Estrella III na mas gaganda na ang pangkabuhayan ng mahigit kalahating milyong agrarian reform beneficiaries (ARBs) na hindi pagbabayarin ng one-year moratorium sa land amortization at ang corresponding 6 percent annual interest.
Ayon kay Estrella, ang suspension ng bayad sa amortization at interest ay kinabibilangan ng pinagsamang 1.18 million hectares ng agricultural lands na ini-award sa 654,000 agrarian reform beneficiaries.
Magagamit daw ang pera sa kanilang farm inputs o iba pang livelihood activities bilang dagdag na rin sa kanilang kinikita.
Dagdag ni Estrella, cover daw ng one-year moratorium ang financial obligation para bayaran ang total cost ng kanilang lupain at ang six-percent interest sa ilalim naman ng Presidential Decree No. 27, series of 1972 o ang ‘Operation Land Transfer,’ maging ang principal value ng 30-year land amortization na nasa ilalim din ng Section 26 ng Republic Act No. 6657 o ang Comprehensive Agrarian Reform Law.
Kung maalala, idineklara ng Pangulong Ferdinand R. Marcos ang moratorium sa pagbabayad ng amortization at interest sa kanyang unang State of the Nation Address noong July 25, 2022.
Sinabi ng Pangulong Marcos na ang moratorium ay magbibigay sa mga magsasaka ng abilidad para magamit ang kanilang mga resources sa pag-develop ng kanilang mga sakahan, maparami ang kanilang kapasidad sa pagpo-produce na malaking tulong sa pag-ahon ng ekonomiyang pinadapa ng pandemyang dulot ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).