Iniulat ng Philippine Drug Enforcement Agency na umabot na sa mahigit 5,000 ang bilang ng mga drug high-value targets na naaresto sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Batay sa pinakahuling ulat na inilabas ng PDEA, nasa kabuuang 5,366 na mga high-value targets ang natimbog ng mga otoridad mula noong Hulyo 1, 2022 hanggang Enero 31, 2024.
Ang mga ito ay kabilang sa 79,841 na mga drug suspects na nahuli ng mga operatiba mula sa 58,496 operations na kanilang ikinasa.
Mula sa naturang operasyon ay nasabat din ng mga otoridad ang iba’t-ibang uri ng ilegal na droga na kinabibilangan ng 4,317.46kg na shabu, 50.47kg na cocaine, 54,13 piraso ng ecstasy tablets, at 3,197.19kg ng marijuana.
Samantala, kaugnay nito ay aabot din sa Php32-billion na halaga ng mga narcotics ang nakalap ng mga otoridad mula sa naturang mga operasyon.