-- Advertisements --
NDRRMC

Umaabot na sa mahigit 408,053 residente ang apektado ng pananalasa ng bagyong Hanna at nagdaang Super typhoon Goring at Hanging habagat sa Luzon at ilang mga lugar sa Visayas ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Base sa pinakahuling datos ng ahensiya, nasa kabuuang 51,284 katao dito ang na-displace na, 22,391 indibidwal ang nasa mga evacuation centers habang nasa 28,893 residente naman ang nanunuluyan pansamantala sa kanilang mga kamag-anak o kaibigan.

Ang mga apektadong mga residente ay mula sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARON, MIMAROPA, Western Visayas, Cordillera Administrative Region at National Capital Region.

Sa kasalukuyan, nananatili sa isa ang napaulat na nasawi habang isa din ang nawawala na kapwa naitala sa Western Visayas.

Nakapagtala din ang ahensiya ng isang nasugatan sa may Central Luzon.

Bunsod pa rin ng masamang lagay ng panahon na nararanasa sa bansa, nakapagtala ng mga insidente ng baha,landslide, vehicular accident, pagguho ng lupa, natumbang mga puno, gumuhong mga sruktura, may naitala ding buhawi at maritime incidents.