Aabot sa 47 churchgoers ang napaulat na sugatan matapos bumagsak ang ikalawang palapag ng simbahan ng St. Peter parish Church sa San Jose del Monte City sa lalawigan ng Bulacan habang idinaraos ang misa para sa Ash Wednesday.
Ayon kay City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) head Gina Ayson, gawa lamang sa kahoy ang ikalawang palapag ng simbahan na bumgsak habang pumipila ang mga mananampalataya para magpapahid ng abo sa kanilang ulo.
Sinabi din nito na medyo maraming tao ang dumagsa para magpapahid ng abo kung saan ilan sa mga nasugatan sa insidente ay sinabing banayad ang pagbagsak ng naturang palapag.
Una rito, pasado alas-7 ng umaga kalagitnaan ng misa para sa Ash wednesday nang gumuho ang bahagi ng ikalawang palapag ng simbahan.
Agad namang rumesponde sa insidente ang City Disaster Risk Reduction and Management Council gaya ng San Jose del Monte City Police Station, Bureau of Fire Protection, City Engineering Office, City Traffic Management – Sidewalk Clearing Operations Group, City Health Office, at City Disaster Risk Reduction Management Office.
Sinagot naman ng lokal na pamahalaan ang lahat ng gastusin sa pagpapagamot ng nasugatan sa insidente.