-- Advertisements --

Aabot sa mahigit 320-K na mga hindi aktibong registered voters sa Bicol region ang kinokonsiderang I-deactivate ng Commission on Elections simula sa Abril 15, 2024.

Sa isang pahayag, ay sinabi ni Comelec Albay election supervisor Maria Aurea Bo-Bunao na made-deactivate na mga registered voters nang dahil sa kabiguan ng mga ito na mag participate sa dalawang consecutive elections.

Sa datos ng Comelec, mula sa anim na lalawigan sa Bicol region ay ang Camarines Sur ay ang nakapagtala ng pinakamaraming inactive voters na nasa 120, 727; sinundan ito ng lalawigan ng Albay na mayroong 66,676; Masbate na mayroong 56,502; Sorsogon na nakapagtala ng 36, 202; Camarines Norte na mayroong 26, 246; at Catanduanes na mayroong 16, 987.

Aniya, ang lahat ng mga deactivated voters ay makakatanggap ng notice mula sa iba’t ibang mga Comelec offices, at ang mga ito ay hindi na maaari pang makakuha ng voter certificates bilang proof ng kanilang identity.

Kaugnay nito ay hindi na rin maaari pang ma-involve ang naturang mga indibidwal sa anumang aktibidad na may kinalaman sa eleksyon, lalo na sa May 2025 National and Local Elections.

Gayunpaman ay tiniyak naman ng komisyon na nananatili pa ring welcome ang mga ito na muling magpa-reactivate at mag-participate sa paparating na halalan sa pamamagitan ng pagtungo at pakikipag-ugnayan sa kanilang mga tanggapan.

Handa rin tumanggap ng mga kliyente ang mga itinatag na Register Anywhere Program ng Comelec.