Nasa mahigit 3,000 na mga indibidwal na nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO workers na ang mayroong nang National Police Clearance (NPC), ayon sa Philippine National Police (PNP).
Sa gitna pa rin ito ng kasalukuyang ginagawang crackdown sa pulisya laban sa mga illegal na aktibidad ng ilang POGO sa Pilipinas kung saan ang ilan pa sa mga ito ay nasasangkot din sa mga kaso ng kidnapping at human trafficking.
Sa isang pahayag ay iniulat ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na sa ngayon ay nasa kabuuang 3,198 police clearances na ang naibigay sa mga POGO workers.
Aniya, ito ang paraan ng pulisya para sa mas epektibong monitoring sa mga manggagawang dayuhan na nasa bansa at bilang bahagi na rin ng pagpapatupad ng peace and order situation sa Pilipinas.
Bukod dito ay sinabi rin ni General Azurin na mayroon din nasagip ang PNP na ilang undocumented POGO workers na kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Bureau of Immigration habang naghihintay ng deportation at repatriation proceedings.
Habang may mga POGO employer at maintainer namang kasalukuyang sumasailalim ngayon sa imbestigasyon matapos na mapaulat at maakusahang nagsasagawa ng mga paglabag sa ating batas.
Kung maaalala, una rito ay nag umpisa na rin ang Bureau of Immigration na iproseso ang visa cancellation ng nasa 48,782 POGO workers na nang ni-revoke ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang mga lisensya.
Inihayag din ng nasabing ahensya na noong Setyembre ay mayroong 372 foreign nationals na rin ang naaresto ng mga kinauukulan na kalauna’y pina-deport din pabalik sa kani-kanilang mga bansa.