Nasa mahigit 30,000 na mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang nakatakdang makilahok sa local absentee voting (LAV) para sa national at local elections ngayong taon.
Ayon kay PNP public information office chief Brig. Gen. Rodericl Alba, nasa kabuuang 26,813 na mga pulis na naka-assign sa police regional offices, at 3,248 naman ang nakatalaga sa national headquarters sa Camp Crame ang nakatakdang mag-avail sa local absentee voting mula April 27, 28, at 29.
Aniya, ang multi-purpose center sa Camp Crame sa Quezon City ang gagamiting venue para sa nasabing botohan habang ang police provincial offices ang in-charge para sa venue ng LAV para sa PNP personnel sa PROs.
Samantala, agad namang nagsagawa ng mga preparasyon si PNP chief gen. Dionardo Carlos upang matiyak ang isang maayos, tapat, at mapayapang halalan.
Nagsagawa na rin siya ng mga contingency plan para sa mga susunod na araw pagkatapos ng Mayo 9 para naman sa isang good transition sa susunod na administrasyong mamumuno sa bansa.
Sa ilalim ng local absentee voting ay pinapayagan ang isang indibidwal na bumoto sa mga lugar na hindi sila rehistrado bilang botante basta’t dito sila itinalaga na gampanan ang kanilang mga election duties.