-- Advertisements --
PNP

Aabot sa mahigit 24,000 drug suspect ang naaresto simula noong Enero ng kasalukuyang taon habang nasa mahigit P6 billion namang halaga ng iligal na droga ang nakumpiska sa ikinasang mga anti-drug operations.

Ayon kay PNP Chief Police Gen. Benjamin Acorda Jr, naaresto ng pambansang pulisya ang kabuuang 24,197 drug suspect simula noong Enero 1 hanggang Mayo 27, 2023.

Pinuri naman ng PNP chief ang National Capital Region Police Office para sa matagumpay na pagkakaaresto ng 2 high value targets sa isinagawang drug buy-bust operation sa Caloocan City na nagresulta sa pagkaka kumpiska ng 3,800 grams ng shabu na nagkakahalaga ng P25.8 million.

Nasamsam din ng mga awtoridad ang mahigit 11,000 loose firearms mula Enero 1 hanggang Mayo 26 habang mahigit 29,000 wanted personalities naman ang naaresto.

Iniulat din ng PNP na bumaba ang focus crimes sa bansa gaya ng murder, homicide, physical injury, robbery, theft, rape, at carnapping ng motor vehicles at motorsiklo.