LEGAZPI CITY- Iginiit ng Albay Police Provincial Office na hindi nagkukulang ang kanilang hanay sa pagbabantay at pagsiguro sa seguridad ng mga residente na nagpupumilit na pumasok sa 6km permanent danger zone.
Ayon kay Albay PPO Provincial Director Police Col. Fernando Cunanan sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, 24 oras na nakabantay ang mga kapulisan sa entry points ng mga barangay na nasa danger zone.
Katunayan, nasa 200 na mga police personnel na aniya ang nakalatag sa naturang mga chokepoints.
Malipan pa dito ay nagpadala na rin ng augmentation support ang Philippine Army.
Dagdag pa ni Cunanan na maliban sa mga nakatalag na kapulisan ay patuloy rin ang pag-iikot g mga police patrol cars dahil hindi inaalis ang posibilidad ng pagkakaroon ng looting sa mga Mayon unit areas.
Samantala, sinabi ng opisyal na nagbibigay naman ng konsiderasyon para sa mga mayroong valid reason sa pagbalik sa kanilang mga tahanan ngunit iginiit nito na kinakailangang maayos na makipag-ugnayan sa police assistance desk at farmers assistance desk na nakalatag sa mga evacuation centers sa lalawigan ng Albay.