KORONADAL CITY – Sinira ng buhawi ang nasa mahigit 20 bahay ng mga earthquake survivors sa bayan ng Mlang, North Cotabato.

Kasabay ng malakas na hangin ang pagbuhos naman ng malakas na ulan sa nabanggit na bayan.

Ayon kay North Cotabato Governor Nancy Catamco, nagbigay na nang paunang tulong ang kanyang tanggapan sa mga apektadong pamilya.

Ang nabanggit na mga pamilya ang hindi pa nakakarekober sa sunod-sunod na lindol kaya’t humihingi sila ng tulong sa mabilis na pagpapaayos ng kanilang mga bahay.

Nangako naman si Governor Catamco na hindi pababayaan ang mga biktima at tutulungan na makabangon muli.

Napag-alaman na ang bayan ng Mlang ay karatig bayan ng Tulunan at Makilala na lubos na apektado ng malalakas na lindol at may libo-libong pamilya pa na nakatira sa mga tents.