-- Advertisements --

Aabot sa kabuuang 2,620 summer diseases ang naitalang tumama sa mga persons deprived of liberty na nakapiit sa mga bilangguan ng Bureau of Jail Management and Penelogy nitong buwan ng Marso.

Batay Pinakahuling datos na inilabas ng naturang kawanihan, pinakamarami rito ay ang sakit na Acute gastroenteritis na nakapagtala ng 1,466 na mga kaso.

Sinundan ito ng 600 mga kaso ng boils, at 554 cases ng gastrities.

Samantala, bukod dito ay mayroon ding 2,578 na mga kaso ng hypertension ang naitala, habang nasa 1,673 naman ng toothache cases sa mga PDL ang napaulat sa nasabing buwan.

Gayunpaman, sinabi ni BJMP Spokesperson Chief insp. Jayrex Bustinera na inaasahan nila na mas magiging mababa ang bilang ng mga summer disease cases ang kanilang maitatala ngayon kumpara noong nakaraang taon.

Ito ay dahil na rin sa mas mababang bilang ng populasyon at congestion rate sa mga jail facilities na nasa ilalim ng BJMP.

Mula kasi sa dating 127,000 PDLs na naitala noong nakaraang taon ay nasa 118,000 na mga bilanggo na lamang sa mga piitan ang mayroon ngayon mula sa 482 city, district, at municipal jails sa bung bansa.

Samantala, kaugnay nito ay iniulat din ng naturang opisyal na sa kabila ng naturang bilang mga kaso ng karamdaman na naitala sa mga bilangguan ay wala pa naman aniyang mga bilanggo ang kinailangang isugod sa pagamutan nang dahil sa matinding init ng panahon.

Kasabay nito ay Inihayag din niya na mayroon na silang mga isinasagawang hakbang upang tugunan nito kabilang na ang paglalagay ng mga industrial fan, exhaust fan, at air shafts sa mga jail facilities.

Nagsimula na rin aniya silang bumili ng mga gamot para sa summer-related ailments and diseases, pagsasanay sa mga nurses, recruitment ng karagdagang mga doktor, gayundin ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa fire department sakaling magkaroon man ng water interruption, habang binibigyan din ang mga PDL ng health education at patuloy na pagpapatupad ng jail decongestion program.