
Sinimulan na ngayong araw ng Commission on Elections (Comelec) ang kanilang simultaneous voter’s registration para sa mga persons deprived of liberty (PDLs) sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.
Ito ay bahagi ng special satellite registration ng komisyon sa mga detention facility.
Sa datos ng NBP, aabot sa 2,084 ang kabuuang bilang ng mga bilanggong makikiisa sa naturang voter’s registration para sa barangay at SK elections ng taong ito.
Ayon kay Comelec Chairman Atty. George Erwin Garcia, layunin nito na mabigyan ng pantay-pantay na karapatan sa pagboto ang bawat isa maging ang mga bilanggong kasalukuyang nakakulong sa iba’t-ibang jail facilities sa Pilipinas.
Ngunit nilinaw niya na ito ay hindi sapilitan at tanging mga PDL na wala pang final conviction o judgment ang pahihintulutang makapagparehistro para makaboto.
“Itong darating na halalan, ito ‘yung unang pagkakataon matapos ang desisyon ng Korte Suprema na makakapagparehistro tayo, makakapagpaboto muli tayo ng ating mga PDLs, sila rin, bilang mamamayan ng ating bansa, ay may karapatan na makapaghalal ng kanilang mga napipisil na lider” ani Comelec Chairman George Garcia.
Samantala, bukod dito ay mayroon din voter’s registration sa iba pang detention facilities sa bansa kabilang na ang mga sumusunod:
– New Bilibid Prison
– Vulnerable Sectors Office
– Leyte Regional Prison
– Correctional Institution for Women (Mandaluyong & Panabo City)
– Zamboanga Prison and Penal Farm
– Davao Prison and Penal Farm
– Iwahig Prison and Penal Farm
– at Sablayan Prison and Penal Farm
Magtatagal naman ang naturang voter’s registration ng Commission on Elections para sa lahat ng mga Pilipino mula sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas hanggang Enero 31, 2023.










