Nasa mahigit 2,000 mga indibidwal ang ginawaran ng karapatan ng Commission on Elections (Comelec) na maging exempted sa ipinatutupad nitong election gun ban para sa darating na halalan sa Mayo 9.
Sa datos na inilabas ng Comelec’s Committee on the Ban on Firearms and Safety Concerns (CBFSC), inaprubahan na ang aplikasyon ng may kabuuang 2,160 na mga indibidwal na nagnanais na mapahintulutan na magdala ng baril ngayong panahon ng halalan.
Ang nasabing bilang ay 49% lamang ng kabuuang 4,381 applications na natanggap ng Comelec at 1,904 sa mga ito ay pawang mga bagong applications habang nasa 256 naman ang mga refiled applications ang kanilang naaprubahan.
Samantala, sa ngayon ay isinasailalim pa rin sa masinsinang evaluation ng Comelec ang nasa 1,315 na mga application para maging exempted para sa nasabing election gun ban.