-- Advertisements --
image 427

Aabot hanggang sa 1,245 indibdiwal na hinihinalang sangkot sa online sabong ang naaresto na sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. base sa datos mula sa Philippine National Police (PNP).

Sa datos mula sa crime incident reporting and analysis system ng PNP, lumalabas na nahuli ang mga suspek sa ikinasang mga operasyon ng mga awtoridad mula Hulyo 1, 2022 hanggang Agosto 15 ng kasalukuyang taon.

Sa mga nahuing suspek, nasa 322 ang nahatulan na habang ang nalalabi naman ay sumasailalim sa trial sa korte o kaya naman ni-refer ng kanilang kinakaharap na reklamo sa prosecutors para sa legal action.

Mayorya ng mga suspek sa e-sabong ay mula sa Central Visayas na nasa 348, sinundan ng Central Luzon na mayroong nahuling 328 suspek ng iligal na gawain.

Kaugnay nito, nangako naman si PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr. na ipagpapatuloy ng PNP ang pagbuwag sa e-sabong na una ng idineklarang iligal ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.