-- Advertisements --

Puspusan na ang ginagawang paghahanda ngayon ng Philippine National Police para sa inaasahang malaking pagtitipon sa darating na Enero sa gaganaping Traslacion ng Itim na Nazareno sa susunod na taon.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo, kahapon ay isinagawa na ng mga kinauukulan ang kanilang final inter-agency coordination meeting kaugnay pa rin sa ipapatupad na security preparation sa nasabing malaking aktibidad.

Mula kasi sa humigit-kumulang dalawang milyong mga debotong dumadalo sa Traslacion na naitala noong pre-pandemic period ay inaasahang dodoble ang bilang nito sa muling pagbabalik nito sa darating na Enero 9, 2023.

Dahil dito ay dinagdagan ngayon ng PNP ang kanilang ipapakalat na pulis na umaabot sa mahigit 16,000 kapulisan sa buong lungsod ng Maynila mula Disyembre 30, 2023 para pa rin sa naturang okasyon.

Kasabay ng mas pinaigting na seguridad ay nagtalaga rin ng mga controlled areas ang PNP mula sa Quirino Grandstand hanggang sa Minor Basilica sa Quiapo Church.

Samantala, bukod dito ay nagbabala rin ang PNP sa publiko at mga deboto hinggil sa mga kagamitang ipagbabawal sa Traslacion tulad na lamang ng water bottle, canister, payong, bull cap, at kung hindi maiiwasan ang pagdadala ng mga bag ay sinabi ng mga otoridad na dapat ay transparent ito.

Habang inabisuhan namang kinakailangang lumabas sa mga controlled areas ang mga deboto kung kakain man ang mga ito o iinom ng tubig.

Bukod dito ay pinaplano rin ng mga kinuukulan na magpatupad social distancing sa mga debotong dadalo sa traslacion ng itim na Nazareno sa darating na Enero ng susunod na taon.