Iniulat ng United Nations International Children’s Emergency Fund na mahigit 13,000 bata ang napatay sa Gaza sa gitna ng nagpapatuloy na opensiba ng Israeli forces.
Ayon pa kay Unicef Executive Director Catherine Russell libu-libo din aniya ang sugatan o hindi na matukoy kung ilan ang eksaktong bilang kung saan ilan sa mga ito ay naipit sa ilalim ng mga durog na bato.
Inihayag pa ng opisyal na sa kaniyang pagbisita sa mga wards maraming mga bata ang dumaranas ng matinding anemia at malnutrisyon at napakatahimik aniya ng buong ward dahil wala ng lakas pa para umiyak ang mga bata dahil sa kahindik-hindik na sinapit ng mga ito.
Sinabi din ng Unicef official na matinding bureaucratic challenges ang kinakaharap sa pagpasok ng mga truck sa Gaza para maghatid ng tulong.
Ayon sa health ministry sa Gaza, pumalo na sa mahigit 31,000 Palestino ang napatay sa gitna ng militay assault ng Israel laban sa Hamas militants.