Iginiit ng Department of Health-7 na wala pang naitalang kaso ng walking pneumonia sa Central Visayas.
Inihayag ni Dr. Eugenia Mercedes Cañal, ang Regional Epidemiologist ng Department of Health-7 na may tiwala naman siya sa mga doktor dito na makakapagbigay ng nararapat na gamot para sa mycoplasma pneumonia kaya wala umanong naitalang kaso dito.
Hindi rin inalis ni Cañal ang posibilidad na posibleng walang naiulat dahil walang nakuhang sample.
Iniulat naman nito na umabot na sa mahigit 1,200 ang nabigyan na ng libreng bakuna sa rehiyon kung saan 826 ang naturukan laban sa pneumonia; 352 ang nakatanggap ng bakuna laban sa pneumococcal pneumonia at 27 ang naturukan ng Human papillomavirus vaccine.
Sinabi pa nito na nagtapos na ang pamimigay ng Department of Health ng bakuna noong Disyembre 15 at ipinaubaya na ang pagbabakuna sa ngayon sa mga local government units.
Samantala, sinabi pa ni Cañal minomonitor nila sa ngayon ang influenza-like illness dahil may potensyal pa umano itong magka outbreak, gayunpaman, walang dapat ikabahala dahil ito ay isang viral at hindi kagaya ng COVID-19 na nag-mutate.
Paalala pa nito sa publiko na ugaliing maghugas ng kamay, sundin ang cough etiquette, magsuot ng facemask at kumain ng masustansyang pagkain.