Pumalo na sa mahigit 100-milyong mga subscribers ang nakapagparehistro na ng kanilang SIM card sa ilalim ng SIM registration act.
Ito ang iniulat ng National Telecommunications Commission matapos makapagtala ng kabuuang 100,721,667 na mga SIM ang rehistrado na.
Ayon kay NTC Commissioner Jon Paulo Salvajan, ang pinakahuling datos na kanilang nakalap ay binubuo ng 59.95% ng kabuuang bilang ng mga aktibong SIM sa bansa at naabot na rin aniya ng Komisyon ang soft target nitong 100-million SIM registration.
Samantala, kaugnay nito ay patuloy naman ang pagpapaalala ng NTC sa publiko na magparehistro na ng kanilang mga SIM bago sumapit ang deadline nito sa Hulyo 25, 2023.
Kasabay ng babalang made-deactivate ang mga SIM at hindi na ito magagamit pa maliban na lamang kung ipre-reactivate itong muli ng user na pahihintulutan lamang sa loob ng limang araw.
Ibinabala rin nito na kapag hindi nai-parehistro ng mga SIM na naka-link sa isang e-wallet ay mawawala ang access nito sa e-wallet system at kinakailangan pang magpunta sa payment service providers upang muling mapa-reactivate ang mga ito.