Pumalo na sa mahigit 100 mga Chinese warplanes at 9 na navy ships ng China ang namonitor ng Taiwan na dumadaan sa kanilang teritoryo.
Sa isang statement ay sinabi ng Minsitry of National Defence ng Taiwan na mula noong Setyembre 17 ng umaga hanggang ngayong araw, Setyembre 18 ay umabot na sa kabuuang 103 Chinese aircraft ang na-detect nito sa Taiwan Strait.
Bagay na nagdudulot anila ng banta sa seguridad sa lugar at maging sa buong rehiyon.
Anila, mula sa naturang bilang ng mga namataang warplanes ng China, 40 rito ang namonitor na dumaan sa median line ng Taiwan Strait at pumasok sa southwest at southeast air defense identification zone.
Kaugnay nito ay nanawagan ngayon ang mga Taiwan authorities sa China na itigil na ang kanilang ginagawa nitong destructive at unilateral actions sapagkat ang pagpapatuloy anila ng ginagawang military harassment ay posibleng maging sanhi ng tensyon na magpapalala pa sa regional security ng bansa.
Una nang ibinulgar ng Taiwan na tila nagsasagawa ng long range exercises at training ang China kasabay ng pagkakasa ng patrol aircraft nito.
Matatandaan din na iniulat ng Taipei noong nakaraang linggo ay tumaas ang bilang ng presensya ng mga barko at eroplanong pandigma ng China sa kanilang teritoryo nang itaas nito sa “high alert” ang Beijing matapos ang pagdaan ng mga barko ng Estados Unidos at Canada sa Tawain Strait ngayong buwan.
Sa gitna ito ng pag-angkin na ginagawa ng China sa Taiwan bilang teritoryo nito kasabay ng pagpapalas sa military at diplomatic pressure nito sa isla sa nakalipas na mga taon.