-- Advertisements --

Lumahok ang mahigit 1,000 Pilipinong nurses sa malawakang hospital strike sa New York City.

Kabilang ang mga ito sa tinatayang 15,000 nurses mula sa mga pribadong ospital na nagsagawa ng strike.

Karamihan sa mga PIlipinong nurses na lumahok sa strike ay nagtratrabaho sa 10 ospital na nasa ilalim ng New York-Presbyterian, Mount Sinai at Montefiore.

Isinagawa ng nurses ang walkout kasunod ng deadlock sa negosasyon kaugnay sa kanilang daing para sa mas mataas na sahod at mas maayos na mga benepisyo.

Idinadaing din ng mga nurse na nananatiling understaff ang mga ospital, na nagtataas ng seryosong concern kaugnay sa kaligtasan ng mga healthcare workers at mga pasyente.

Ayon kay New York Consul General Senen Mangalile, umaasa ang konsulada na maresolba sa lalong madaling panahon ang dispute sa pagitan ng New York State Nurses Association at pamunuan ng mga ospital.

Nagpahayag naman ng kumpiyansa ang Konsulada na makikita o kikilalanin ng mga employer ang mahusay na mga katangian ng mga Pilipinong nurses.

Una rito, nagdeklara si New York State Governor Kathy Hochul ng state of emergency para matiyak ang kalusugan at kaligtasan ng publiko kabilang na ng mga pasyente.