-- Advertisements --
image

Ipinamahagi ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mahigit P1.8 billion na pasahod at tulong pangkabuhayan sa 313,000 manggagawa sa buong bansa kasabay ng pagdiriwang ng Labor day ngayong Lunes, Mayo1.

Ayon kay Labor Undersecretary Carmela Torres kabilang sa naturang halaga ang mga sahod ng mga manggagawa sa informal sector na na-hire sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD program.

Sa ilalim ng naturang programa, nasa 267,000 benepisyaryo ang makakatanggap ng kanilang sahod na nagkakahalaga ng P1.3 billion.

Liban pa dito, mamamahagi din ang ahensiya ng P428 million sa 26,000 benepisyaryo sa ilalim naman ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) o Kabuhayan Program, magbibigay din ng P68 million na halaga ng stipend sa 10,000 student interns ng pamahalaan sa ilalim ng DOLE- Government Internship Program (GIP) at P40 million halaga ng sahod ng mga kabataang manggagawa sa ilalim ng Special program for Employment of Students (SPES).

Sa panig nanam ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) , mamamahagi din ito ng starter toolkits na nagkakahalaga ng P4 million.

Una na ring inanunsiyo ng DOLE na nasa 74,000 bakanteng trabaho ang iaalok mula sa iba’t ibang sektor sa malawakang job fair ngayong araw.

Ang pangunahing trabahong iniaalok sa job fair na maaaring aplayan ng mga job seeker ay customer service representatives, production worker operators, sales agents, merchandisers, financial consultants at baristas.