-- Advertisements --

Umalma ang pamunuan ng Coliseo de Manila matapos ibasura ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang reklamo laban sa mga tauhan ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kaugnay ng isinagawang operasyon sa kanilang cockpit arena sa Vitas, Tondo.

Ayon sa Coliseo de Manila, hindi tama ang naging agarang dismissal ng NAPOLCOM sa administrative case at tinawag nilang paglihis sa tungkulin ng komisyon na dapat umano ay nagtitiyak ng pananagutan ng mga pulis.

Giit ng kumpanya, isinampa ang reklamo dahil sa umano’y ilegal na pagsalakay ng CIDG nang walang kaukulang warrant at sa pagpapasara ng kanilang operasyon sa loob ng mahigit 20-araw.

Dagdag pa nila, dalawang beses na raw tinanggihan ng Regional Trial Court ng Makati ang hiling ng CIDG para sa cyber warrant.

Pinuna rin ng pamunuan ang naging press briefing ng NAPOLCOM at ang pahayag na kulang sa probable cause ang reklamo, sa kabila umano ng kanilang mga isinumiteng ebidensya.

Samantala, kinontra rin ng Coliseo de Manila ang naunang paliwanag ni PNP spokesperson Brig. Gen. Randulf Tuaño na ang isang pulis ay kumuha lamang ng bet slip bilang ebidensya ng umano’y ilegal na operasyon bago isinagawa ang raid, at hindi umano kumuha ng pera.

Ayon sa panig ng Coliseo, patuloy nilang ipaglalaban ang kanilang reklamo at iginiit na layunin lamang nito na itama ang umano’y mga pang-aabuso sa operasyon ng CIDG.