Umapela ang National Bureau of Investigation (NBI) kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa na payapang sumuko sa gitna ng inisyung arrest warrant ng International Criminal Court (ICC).
Ito ang naging tugon ni NBI Director Atty. Melvin Matibag matapos ihayag ni Dela Rosa na hindi siya susunod sa panawagan ng mga minority senator na sumuko.
Binigyang-diin ni Matibag na bilang dating law enforcer, alam ni Dela Rosa ang proseso at madalas din niyang pinapayuhan noon ang mga subject ng warrant na sumuko nang maayos.
Ayon sa NBI Director, layunin ng panawagang ito na maiwasan ang anumang gulo o habulan, at upang harapin ang pananagutan sa batas.
Giit ni Matibag, ang warrant ay mula sa isang “competent court” na dapat irespeto.
Babala pa niya, kung hindi susuko ang senador ay asahan ang posibleng habulan dahil mandato ng law enforcement na ipatupad ang batas upang maiwasan ang breakdown sa law and order.
Matatandaang nabigo ang mga awtoridad na isilbi ang warrant kay Dela Rosa noong Lunes matapos mauwi sa habulan ang tangkang pag-aresto, na naging dahilan upang sumailalim ang mambabatas sa protective custody ng Senado hanggang sa kasalukuyan.
















