-- Advertisements --

Isinuko na sa hanay ng Philippine National Police (PNP) ang 20 sa 117 baril na nakarehistro kay Senator Ronald Dela Rosa.

Batay sa Philippine National Police – Civil Security Group (PNP-CSG), isinuko ng kampo ng senador ang mga armas sa Regional Civil Security Unit sa Davao City noong Hunyo 11.

Dumaan ang mga ito sa karaniwang proseso ng beripikasyon, kabilang ang inventory, pagsusuri ng serial numbers, at pisikal na inspeksyon bago tinanggap ng mga awtoridad.

Ayon kay PNP Chief Jose Melencio Nartatez Jr., ipinapakita ng hakbang na ito ang patuloy na pagsusumikap ng PNP na tiyakin ang maayos, propesyonal, at transparent na pagpapatupad ng mga batas kaugnay ng mga baril.

Dagdag pa niya, patuloy na pinapalakas ng organisasyon ang kanilang internal systems upang matiyak ang konsistent at maayos na enforcement ng firearms regulations.

Samantala, hinimok ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag si Dela Rosa na isuko rin ang kanyang sarili, kasunod ng pag-turn over ng 20 armas.

Ayon kay Matibag, mas mainam umano na maipasa na rin sa PNP ang lahat ng 117 nakarehistrong baril ng senador.

Si Dela Rosa ay may warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa mga kaso ng extrajudicial killings noong kampanya kontra droga sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Wala pang opisyal na pahayag ang kampo ng senador hinggil sa panawagan ng NBI.