-- Advertisements --

Itinanggi ni Vice President Sara Duterte ang kumakalat na balita sa social media na umano’y binato niya ng laptop ang kanyang kanyang legal defense team na si Atty. Michael Poa.

Sa panayam sa The Hague, sinabi ni Sara Duterte na “gossip” at “basura” ang naturang mga alegasyon at hindi na dapat pinapansin pa.

“Never in the history sa aking trabaho ako nagtapon ng laptop sa isang colleague or sa isang employee or sa isang lawyer,” giit ng Bise.

Dagdag pa ng Bise Presidente, hindi umano siya gumagamit ng laptop o computer sa kanyang trabaho at umaasa lamang siya sa kanyang mga kasamahan para sa mga hihingiin nitong dokumento.

Punto pa ni VP Sara personal niyang binili ang kanyang laptop at hindi aniya umano ito ibinabato basta-basta.

Samantala, mariin namang itinanggi ni Atty. Michael Poa na may nangyaring ganoong insidente, at tinawag itong “fake news” at “completely false.”

Sa parehong panayam, binatikos din ni VP Sara ang mga kritiko nito na umano’y naglalabas ng iba’t ibang naratibo laban sa kanya sa social media, kabilang ang mga akusasyon na siya ay “baliw,” “incompetent,” o “pro-China.”

Tungkol naman sa isyu ng impeachment complaint laban sa kanya, sinabi ng Ikalawang Pangulo na dapat malinaw ang proseso tungkol sa pananagutan o sa pagtatanggal sa isang taong hindi umano sumasang-ayon sa kasalukuyang administrasyon.

Giit pa niya, hindi niya intensyong tumakbo bilang Pangulo noong 2022 at bukas siya sa anumang magiging papel niya sa gobyerno, maging bilang Bise Presidente.