Nakatakdang magpakalat ng nasa mahigit 1,500 kapulisan ang Philippine National Police (PNP) para sa nalalapit na pagdiriwang ng Baguio Flower Festival o Panagbenga ngayong taon.
Ayon kay Cordillera police director Brig. Gen. Mafelino Bazar, aabot sa kabuuang 1,588 na mga pulis ang idedeploy sa mga lugar na inaasahang dadagsain ng mga tao partikular na sa mga bus terminal, malls, parks, pamilihan.
Aniya, bukod sa pagpapatupad ng seguridad ng taumbayan sa kasagsagan ng pagtitipon ay tutulong din ang kapulisan pagdating sa traffic management sa mga lugar na maaapektuhan ng nasabin aktibidad.
Inatasan na rin ang buong hanay ng Benguet police na palaging maging alerto dahil sa inaasahang pagbuhos ng maraming turista maging sa mga kalapit na bayan nito.
Samantala, nakatakdang idaos ang opening parade ng Panagbenga Festival sa darating na Pebrero 1, 2023, habang mula Pebrero 25 hanggang Pebrero 26 isasagawa ang street dance at grand float parade, at sa Pebrero 27 hanggang Marso 5 naman gaganapin ang “Session Road in Bloom”.
Kung maaalala, ang pagdiriwang na itong muli sa Flower Festival sa Baguio City ay ang kauna-unahang muling pagdaraos nito pagkatapos ng dalawang taong kanselasyon nang dahil sa banta ng COVID-19 pandemic.