Umapela rin si Vice President Leni Robredo sa concerned government agencies, kasunod ng gagawing imbestigasyon ng Office of the Ombudsman sa COVID-19 response ng Department of Health (DOH).

Ayon kay VP Leni, mahalagang maipabatid ng tama sa publiko ang proseso at kung saan napupunta ang mga pondong inilaan ng pamahalaan para tugunan ang sitwasyon ng pandemic sa bansa.

“Iyong pag-communicate kung saan pupunta, ano iyong proseso, sana klarong-klaro. Sana klarong-klaro kasi nakakalito—na-a-avoid iyong kalituhan. Gaya nitong locally stranded, sabi ng pamahalaan, ‘may programa din kami sa locally stranded. In fact, ang dami na naming natulungan.’ Pero iyong programa kasi hindi enough.”

Naiintindihan daw ni Robredo ang punto ni Ombudsman Samuel Martires na tila hindi organisado ang komunikasyon ng Health officials.

Nanghihinayang din ang bise presidente dahil tila kulang ang suportang natatanggap ng local scientists sa gitna ng pagsisikap nilang makatulong sa krisis ng pandemya.

“Parang in-emphasize iyon ni Justice Martires na tinitingnan nila kung bakit apparently, parang binibigyan—ang term niya cold shoulder, eh—binibigyan ng cold shoulder ng DOH iyong UP na ito nga, local, iyong nag-ano ito, nag-produce local, mas murang ‘di hamak, bakit hindi ito iyong pinu-pursue. Iyong pinu-pursue iyong i-import pa from China.”

“Agree ako kay Justice Martires, agree ako kay Dr. (Tony) Leachon na dapat mag-exert ng effort ang pamahalaan na ma-convey na unang-una, iyong perang ginagastos napupunta sa tama, na maayos iyong pagpapatakbo, kasi kung hindi, magulo.”

Ayon kay VP Leni, hanggang ngayon ay may ibang bagay pa na hindi malinaw sa publiko. Tulad ng patakaran sa mga umuuwing OFW, testing, at quarantine.

Bukod sa DOH, pinadalhan din ng Ombudsman ng subpoena ang Department of Budget and Management para sa dokumento ng procurement.

Una nang sinabi ng Health department na handa silang magpasailalim sa imbestigasyon ng anti-graft body.