-- Advertisements --

Tila nabunutan na ng tinik sa lalamunan ang pamilya ng mga biktima sa Maguindanao massacre matapos hatulan ng guilty verdict ang nasa 28 akusado sa malagim na pagpatay.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Jirgin Dela Cruz- Malabanan, anak ng pinatay na journalist sa Maguindanao, bumuhos umano ang emosyon sa loob ng korte nang sabihin ni clerk of court Issa Sto. Domingo na haharap sa reclusion peropetua o 40 taong pagkakakulong ang mga pangunahing may sala.

Ngayong taon umano ang pinaka-masayang pasko para sa kanilang lahat lalo na at naibigay na rin ang hustisya na 10 taon nilang ipinaglaban.

Hindi man daw sapat ang habambuhay na pagkakakulong upang bayaran ang kasalanan ng mga suspek ay masaya pa rin ang mga ito sa naging hatol.

Sinabi naman ng isa sa mga abogado ng mga biktima na si dating presidential spokesperson Sec. Harry Roque na iaapela ng kanilang kampo ang naging hatol sa kaso ni Reynaldo Momay.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin nahahanap ang katawan ng nasabing dating photographer ng isang lokal na pahayagan.